Psalms 102

Ang Panalangin ng Taong Nagtitiis

1 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin.
2Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin.
Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin.
3Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok;
at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
4Akoʼy parang damong nalalanta na.
Wala na akong ganang kumain
5dahil sa labis na pagdaing.
Parang butoʼt balat na lang ako.
6Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang,
at kuwago sa mga lugar na walang tao.
7Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan.
8Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway.
Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
9Hindi ako kumakain;
umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin,
10dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
dinampot nʼyo ako at itinapon.
11Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
at nalalantang gaya ng damo.

12Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13Handa na kayong kahabagan ang Zion,
dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
kahit itoʼy gumuho na at nawasak.

15At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon.
At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan.
16Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap,
at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin.

18Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
upang sila rin ay magpuri sa Panginoon:
19Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag,
at palayain ang mga nakatakdang patayin.
21At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa,
at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24Kaya sinabi ko,
“O aking Dios na buhay magpakailanman,
huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
26Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman.
Maluluma itong lahat tulad ng damit.
At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan.
27Ngunit hindi kayo magbabago,
at mananatili kayong buhay magpakailanman.
28Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”
Copyright information for TglASD